Asam na kaligayahan ay hirap makamtan
Sa bawat sulok ay hitik ng kapighatian
Kalikasan ay namamatay ng dahan-dahan
At ang sintang wika ay tuluyan ng natatabunan.
Kali-Wika, ang ngalan na dapat alagaan
Si Kali para sa kalikasan
At si wika para sa wikang nananahan
Pangalang pinagsama at hindi dapat kalimutan
Habang si Kali-Wika ay nagpupumiglas
Sa kalupitan ng tao ay tuluyang makatakas
Mga abusado ay nagdiriwang ng wagas
Walang pakialam sa hatid nitong dahas
Basura'y nagkalat sa kalsadang liku-liko
Kasama ng mga botelyang noon ay pinaglagyan ng likido
Animo'y palamuti sa napakaruming mundo
Nagbubuga ng amoy na nakapanlulumong husto
Wika'y niyurakan na para bang kamatis na pinitpit
Anumang pagbangon ay hirap ng makakapit
Wikang banyaga ay tuluyan ng pumalit
Wikang noo'y wagas dusa na ang sinapit
Ano bang nararapat nating gawin?
Pabayaan na lamang bang si Kali-Wika'y liparin ng hangin,
O aalagaan natin itong parang sa atin?
Oo, yun nga! Pagmamahal ay palaganapin.
No comments:
Post a Comment